Dokumentaryo: Ang Misteryo ng Villa Resurrecion
Dalawang na kalabog ang bumungad sa akin noong dumating ako sa Villa Resurrecion, isang makaluma at abandonadong resort sa probinsya ng San Jacinto.
Sa unang tingin, aakalain mong nasa setting ka ng isang 1980s horror film. Madilim. Malamig. Nakakapanindig balahibo. Ang kaibahan nga lang, ako na ngayon ang bida, at kailangan kong harapin ang ano mang pangyayaring nag-aabang sa akin. Kung mayroon man, ano kaya ang mga ito?
Hinanap ko ang pinagmulan ng kalabog. Wala namang tao sa reception area kaya nagtataka ako kung saan nagmula ang mga malakas na kalampag na iyon.
“Tao po. May nagbabantay po ba rito?”
Walang sumagot.
“Hello po! Kami po ay mga representatives mula sa Moonstar Media. “
“Pusa lang iyon, huwag kang mag-aalala”, sambit ng isang lalaking nasa aking likuran.
Nagulat ako at sabay napahawak sa aking dibdib gawa ng nerbyos. Siya si Mang Tadong, and tagapag-alaga ng lugar. Kilalang kilala ko siya dahil nagkausap na kami sa telepono para sa isang initial interview.
“Tuloy kayo, mga ineng, apo…”
May katandaan na si Mang Tadong. palagay ko, nasa singkwenta hanggang sisenta anyos, dahil na rin sa kaniyang kulay-abo na balbas. Hindi na ako nag-abalang magtanong.
Itinuro niya ang pusang nakatayo sa isang madilim na sulok ng stockroom, ngumangatngat ito ng piniritong galunggong na kaniya pang ninakaw mula sa hapag. Mga kaldero pala sa lamesa ang kaniyang pinuntirya.
Tuluyan akong napalagay dahil alam kong hindi si Muning ang ipinunta namin sa nasabing resort. Hindi pa iyon ang aming dokumentaryo.
Tatlong linggo na ang nakakalipas simula noong tumawag sa akin ang aming field researcher at iminungkahi niya ang mga haka-haka tungkol sa Villa Resurrecion. Usap-usapan sa buong bayan ng San Jacinto na may mga nagmumulto raw rito, gawa na rin ng mga hindi maipaliwanag na mga kadahilanan. Dahil lubos ang kagustuhan ng aming media team na makakalap ng mga kwento para sa aming Undas Special, agad naman kaming nakipag-coordinate kay Mang Tadong.
Kasama ko sa paglalakbay sina Malou, isang paranormal expert at si Oscar, ang aming camera man, na sa kabila ng takot niya sa mga multo, ay nananatili pa ring kalmado.
Inilibot kami ni Mang Tadong sa resort. Ipinakita niya sa amin ang isang napakalaking swimming pool, na kung susumahin ko ay nasa limampung metro ang haba, tulad na lamang ng isang olympic size pool. Sa unang tingin pa lamang, makikita mong may katagalan na mula noong huli itong ginamit. Ang tubig ay naging kulay berde na dala ng mga lumot na tumutubo sa ibabaw nito. Kung tama ang aking iniisip, tubig ulan na lamang ang tanging rason kung bakit nananatiling puno pa rin ito hanggang ngayon.
“Mang Tadong, kung maari pong magtanong, anong taon ba noong isinara niyo ang resort”? Nagsimula na akong mag interbyu.
“1997, Ineng”
Nagulat ako. Ito rin ang taon ng kapanganakan ko. Ibig sabihin, dalawampu’t tatlong taon nang walang namamalalagi rito sa resort.
“Dito siya madalas nakaupo, naglalaro sa tubig, tinatampisaw niya ‘yung mga paa niya”
Inaagaw ni Malou ang aking atensiyon.
Si Malou ay ipinanganak na may third eye. Bukas ang kaniyang sentido sa mga bagay na hindi nakikita ng mga pangkarinawang tao. Katangian na makakatulong sa aming pag-iimbestiga sa lugar na ito.
Nagpatuloy siya sa kaniyang pagsasalita — “hindi naging maganda ang sinapit ng bata”
Ramdam ko ang takot ni Oscar ngunit patuloy parin ang kaniyang pagbibidyo sa amin. Pinagmamasdan ko ang paggewang ng kamerang hawak-hawak niya. Ngunit alam kong walang pagkakataon ang dapat masayang. The show must goes on.
“Isa siyang batang babae. Humihingi siya ng tulong sa atin ngunit walang nakakarinig”
“Siya si Maricar…” pagpapaliwanag ni Mang Tadong.
“..isang batang nasawi noong 1997, noong panahong kabubukas pa lang ng resort at hindi pa gaano kagandahan ang aming mga pasilidad. Naglalaro si Maricar isang gabi nang bigla siyang nadulas at nabagok ang kaniyang ulo sa pader. Tandang-tanda ko pa kung paano dumaloy ang kaniyang dugo patungo sa swimming pool. Ang dating malinaw na tubig ay naging kulay dugo. Umiiyak siya sa sakit noong nakita ko siya. Ngunit huli na ang lahat. Noong dumating ang mga medic, binawian na siya ng buhay.”
Biglang nanghina si Malou at natumba. Tila ba’y may malakas na hangin na tumulak sakanya pababa sa sahig.
“Nararamdaman ko ang bigat ng enerhiya rito. Puno ng sakit at galit. Pero hindi ito galing sa bata. May iba pang nakatira dito sa resort”
“Sino? May nakikita ka ba?” Tanong ko kay Malou.
“Doon sa kapilya, may nagmamatyag sa atin. Isang lalaking madilim ang mukha”
Kung ano man ang nakikita ni Malou, alam kong tutol siya sa aming presensiya. Ngunit nagpatuloy parin kami sa pag-iinterview. Inalalayan ko si Malou patayo, hawak hawak ang kaniyang bewang.
“Bukod kay Maricar, may iba pa ho bang kaso ng pagkasawi rito?” Tanong ko kay Mang Tadong. “Si Don Romualdo…”
Ang tinutukoy ni Mang Tadong ay ang kaniyang boss. Isa sa mga pinakamayaman na negosyante sa probinsya ng San Jacinto at ang nagpatayo ng Villa Resureccion.
“…galit na galit ang mga magulang ni Maricar at nagsampa sila ng kaso laban sakanya. Nagkaroon ng imbestigasyon, at nalamang hindi pa pala fit-to-operate ang aming swimming pool, Simula noong, nagsara ang resort, nalulong sa bisyo si Boss, nahulog sa depresyon, at kinitil ang sarili niyang buhay, riyan…”
Itinuro ni Mang Tadong ang isang abandonadong kapilya “nagbigti siya sa loob ng aming kapilya, sa harap ng altar, sa harap ng krus ni Hesu Kristo”.
Mula noon, hindi na naging maganda ang mga pangyayari dito sa aming Villa.
Wala nang nagbalak pumasok sa Villa. Lahat sila may samu’t saring kwento. Namatay ang aming negosyo bago pa ito magsimula.
ISANG LINGGO ANG MAKALIPAS.
ABALA ANG aming buong creative team sa pag-eedit ng mga video na ilalabas namin sa episode sa susunod na linggo. Bawat correspondent ay may natatangging kwentong naihanda.
Nangako ang manager namin na kapag tumaas ang ratings ng show namin dahil sa episode na ito, dadalhin niya raw kaming lahat sa Boracay sa susunod na buwan. Ito na rin ang dahilan bakit napakatindi ng preparasyon namin para dito.
“Oscar, kumusta na ba ang pag-eedit ng video?”
“Miss Sandra, may problema po, yung scene na kinunan natin sa kapilya hindi gumagalaw”
“Anong ibig mong sabihin?”
“Sigurado po akong gumagana ‘yan last week, noong sinubukan kong pagtagpi-tagpiin ang first draft ng video natin.”
“Paano ito nangyari?”
Inagaw ko ang headphones mula kay Oscar at pinanood ko mula sa komputer ang video.
Click pinindot ko ang space bar. Umandar ang video.
“Gumagana naman pala?”
Mula sa video, nakikita kong naglalakad si Oscar. Dinig na dinig ang tunog ng kaniyang mga paa. Inilibot niya ang camera sa iba’t ibang anggulo upang makunan ang buong view ng kapilya. Tuloy lang ang kaniyang panning nang biglang may gumalaw sa bintana ng kapilya.
Kinilabutan ako. Nirewind ko ang video upang tignan muli, baka’t namamalik-mata lamang ako.
Nandoon parin ang madilim na imahe.
“Oscar, pwede mo bang i-slowmo ang video?”
“Sige po, Miss Sandra”
Minaniobra ni Oscar ang editing app at agad namang nagslow mo ang video.
Kitang kita ng mga mata namin. Isang lalaking walang ulo. Nakatitig sa amin at galit na galit.
Biglang nag overheat ang computer unit ni Oscar at namatay ang circuit breaker sa opisina. Sabay kaming sumigaw sa labis na pagkatakot.